Matataas na kalibre ng baril, nasamsam ng PCG mula sa mga gun running suspect

NASAMSAM ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine National Police (PNP) sa Northern Samar ang matataas na kalibre ng baril at di mabilang na mga magazine mula sa tatlong indibidwal na hinihinalang mga gun runner.

Ayon sa inisyal na ulat ng PCG, sakay ng isang Toyota Vios na may plakang DAJ 1155  ang mga suspek na sina Roger Lumagan alyas Kamandag Lumagan, kasama ang drayber na si Wahid Iskak at isa pa nilang kasamahan mula sa Taguig City, Metro Manila.

Pinaniniwalaang papuntang Datu Piang, Maguindanao ang mga suspek na sumakay ng RoRo at dumating sa Allen Port, Northern Samar alas 9:40 ng umaga.

Itinago ng mga naarestong suspek sa compartment ng gulong ang mga baril na nakatakda sanang ibenta sa hindi pa kilalang indibidwal sa Maguindanao.

Ang operasyon ay kasunod ng natanggap na intel report  ng PCG sa Allen Port kung saan narekober ang 36 M-16 rifle at di mabilang na magazine at tatlong  45 caliber pistol mula sa mga suspek.

(PHOTO CREDIT: Philippine Coast Guard)

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.