Kilalang vlogger na bumabanat kay Mayor Domagoso, kalaboso

HIHIMAS ng rehas na bakal sa kulungan ang isang kilalang “vlogger” na walang takot bumanat ng mga personalidad at pulitiko sa social media matapos itong maaresto sa operasyon ng Manila Police District (MPD) .

Tatlong bilang ng kasong libel ang kinakaharap ng suspek na si Niño Barzaga, 43 anyos, binata, vlogger, ng No. 33 Hamada Road, Brgy. Lourdes Ext., Baguio City.

Sa ulat ng  MPD-Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) sa pamumuno ni P/Lt. Col. Rosalino Ibay Jr., tumulak sila ng Baguio City bitbit ang warrant of arrest na inisyu ni Hon. Trese Wenceslao, Presiding Judge, RTC Branch 28, Cabanatuan City, Nueva Ecija.

Ayon kay Ibay, nagsagawa sila ng manhunt operation matapos malaman ang kinaroroonan ng suspek na nagresulta ng kanyang pagkakadakip.

 Bilang isang kilalang vlogger, si Barzaga ay madalas mag-post sa YouTube sa pamamagitan ng kanyang pagba-vlog  na matalim ang dila kung magbitiw ng salita sa isang indibidwal o personalidad na gusto nitong banatan.

Isa na si Manila Mayor Francisco Domagoso na laging topic ng suspek sa kanyang pagba-vlog kung saan minumura pa nito ang alkalde at kung ano-anong paninira ang kanyang ibinabato.

Isang concerned citizen naman ang nagsumbong sa tanggapan ni Ibay na may Alias Warrant of Arrest laban sa suspek kung saan ito ay nagtatago sa City of Pines.

Agad na nagsagawa ng operasyon ang SMaRT sa pamumuno ni Lt. Col. Ibay at P/Maj. Edward Samonte katuwang ang Manila Police District-District Intelligence Division (MPD-DID), District Special Operations Unit (DSOU), sa pakikipag-koordinasyon sa Baguio Police Station-3.

Isang pulis ang nagpanggap na tumawag sa suspek at  sinabi na nanalo ito ng isang kaban ng bigas.

Sa tuwa, agad namang nakipagkita  ang suspek sa caller na nagresulta ng kanyang pagkakadakip.

Pinayagan namang makapagpiyansa ng P10,000 kada libel case ang suspek  habang ito ay nasa kustodiya ng SMaRT.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.