NATANGGAP na ng pamahalaang lungsod ng Navotas ang 1,170 na vials ng Pfizer vaccine na may lamang 6 doses bawat vial na katumbas sa 7,020 vaccines na para sa 3,510 na mababakunahan.
Ayon kay Mayor Toby Tiangco, dinala ang mga bakuna sa inihandang ultra-low freezer ng lungsod sa cold room sa Navotas Polytechnic College.
Sinabi ng alkalde na base sa survey noong Enero, Pfizer ang numero unong choice ng mga Navoteño sa bakuna kaya nagpapasalamat siya sa pamahalaang nasyonal sa pagbibigay nila ng alokasyon sa lungsod.
“Ang bakunang inilalaan bawat LGU ay nakadepende po sa dami ng rehistrado at bilis ng ating pagbabakuna. Kung marami ang nagparehistro para magpabakuna at kung marami ang nababakunahan agad, mas malaki rin po ang ibibigay nilang alokasyon ng bakuna sa atin” ani Mayor Tiangco.
“Buong mundo ay nag-aagawan sa bakuna na dati-rati ay pinapangarap lang natin. Ngayong may libreng bakuna sa ating lungsod. Huwag nating sayangin ang pagkakataong magkaroon na ng proteksyon laban sa COVID-19” dagdag niya.
Kahit sa ngayon ay senior citizens at mga edad 18-59 with comorbidity pa lang ang pwedeng mabakunahan, mas mabuti aniya na lahat ng miyembro ng pamilya na edad 18 pataas ay rehistrado na sa http://covax.navotas.gov.ph/ at ready ng magka-proteksyon laban sa sakit.

