Namahagi kamakailan si Pampanga Governor Dennis “Delta” Pineda ng mga antigen test kits sa lalawigan ng Bataan upang maipagpatuloy nito ang mas malawakang pagsasagawa ng testing at matulungan ang lalawigan sa laban nito kontra COVID-19.
Personal na ibinigay ni Governor Pineda ang mga antigen test kits para sa Bataan sa ginanap na simpleng seremonya sa The Bunker at the Capitol, Balanga City, Bataan.
Tinanggap naman ni Bataan Governor Abet Garcia ang donasyon kasama si Vice Governor Cris Garcia at mga alkalde ng Bataan na sina Dinalupihan Mayor Gila Garcia, Hermosa Mayor Jooet Inton, Limay Mayor Nelson David, Mariveles Mayor Jocelyn Castañeda, Department of Health (DOH) personnel, at mga provincial at municipal health officials.

Ang mga donasyong antigen kits ay mula sa Sunshine Bay Research and Marketing Corporation.
Ang antigen ay isa sa 4 na klase ng testing na ginagamit ng mga medical personnel sa pag-detect ng severe acute respiratory syndrome coronavirus 2 o SARS CoV-2, na siyang nagdudulot ng sakit na mas kilala sa tawag na COVID-19.
Ang tatlong iba pa ay ang molecular o Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) testing, antibody testing at saliva-based RT-PCR test.
Sa antigen ay tinetest ang kasalukuyang impeksyon at dinedetect ang protein ng virus na mas kilala bilang rapid test. Ang antibody testing ay inaalam naman kung nagkaroon na ng dating impeksyon sa virus at kilala rin bilang serologic testing.
Ang molecular o polymerase chain reaction testing ang sinasabing pinakamaaasahang uri ng test para sa kasalukuyang impeksyon dahil dinedetect nito ang genetic material ng virus.
Samantala, ang saliva-based RT-PCR test naman ay ang testing gamit ang laway mula sa isang pasyente na ayon sa Philippine Red Cross research ay may 98.3 percent accuracy rate.
Gayunman, ayon sa Department of Health, ang nasopharyngeal at oropharyngeal swab testing pa rin ang itinuturing nilang gold standard para sa diagnosis ng COVID-19 gamit ang RT-PCR testing.

