Patay ang isang umano’y tulak ng ilegal na droga matapos itong makipagbarilan sa mga pulis na nagsagawa ng buy-bust operation laban sa kanya sa Malabon City kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Malabon police chief Col. Joel Villanueva ang namatay na suspek na si Arnel Rabot, 23 anyos, at residente ng No. 21 Interior, Brgy. Potrero.
Ayon kay Col. Villanueva, dakong alas 3 ng hapon nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLt. Joseph Alcaraz ng buy-bust operation kontra sa suspek sa kanyang bahay.
Nagawang makapagtransaksyon ng pulis na nagpanggap na poseur-buyer sa suspek subalit nakatunog umano si Rabot na pulis ang kanyang katransaksyon.
Kaagad bumunot ng baril ang suspek at pinaputukan ang poseur-buyer na naging dahilan upang mapilitang gumanti ng putok ang back up na operatiba na nagresulta ng kamatayan ni Rabot.
Narekober ng rumespondeng mga tauhan ng SOCO sa crime scene ang isang cal. 38 revolver na kargado ng tatlong bala at isang missed fire cartridge, dalawang fired cartridges, dalawang bala, limang plastic sachets ng hinihinalang shabu at ilang drug paraphernalia.

