PCP commander, iba pang opisyal, sibak sa puwesto dahil sa harassment sa reporter

Sinibak na sa puwesto ang ilang opisyal ng Manila Police District (MPD)-Station 10 na sangkot sa pangha-harass sa isang miyembro ng media sa Maynila.

Ito ang kunimpirma ngayon ni MPD District Director Brig. General Leo Francisco sa panayam sa opisyal. 

Ayon kay Francisco, pinaiimbestigahan na rin nito sa District 7 ang  nangyari.

“Pina-iimbestigahan  ko sa D7 ang nangyari. Pina relieve ko kasama ang PCP commander,” ayon kay Francisco.

Nag-ugat ang pagkakarelieve ng mga opisyal ng MPD-Station 10  dahil sa pag-aresto sa reporter ng radio station ng PTV 4  (Radyo Pilipinas) na si Lorenz Tanjoco.

Kabilang sa mga sinibak ay sina  PLt. Joel Pinon bilang Beata PCP Commander, PSMSgt. Jonathan Hernandez, PSSgt. Anthony Geronimo, PCpl. Charles Bronzon Dela Torre, Pat. Marvin Anthony Comboya at Pat. Jonathan Abad.

Linggo ng hapon ng masita sa chekpoint si Tanjoco na walang suot na face mask sa kadahilanang natanggal ito habang nagmomotorsiklo.

Sa kabila ng paliwanag ni Tanjoco ay tinuluyan pa rin at dinala sa Beata Police Community Precinct kung saan siya ikinulong na tumagal na mahigit sampung oras bago ito tuluyang pinalaya.

Pumutok naman ang isyu hanggang sa makarating sa pamunuan ng ilang samahan sa media na mariing kinondena ang nangyari, kasama na rito ang National Press Club, Manila City Hall Press Club,  National Union of Journalists of the Philippines at maging ang Presidential Task Force on Media Security na nangakong hindi nito palalagpasin ang ginawa ng naturang mga pulis kay Tanjoco.

Ayon kay Francisco, ang mga pulis na ito ay inilipat na sa District Intelligence Management Division (DIDMD)/D7 ng MPD habang isinasagawa ang imbestigasyon laban sa kanila.

Ang agarang pagkakasibak sa puwesto ng mga tauhan ng MPD ay nangangahulugan lamang na hindi kinukunsinti ni Francisco ang abusadong mga pulis sa kanyang panunungkulan.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.