Mga manggagawa sa turismo, tumanggap ng ayuda mula sa DOLE

TINATAYANG  nasa 239,713 na mga manggagawa mula sa sektor ng turismo na nawalan ng trabaho at pinagkakakitaan ang tumanggap ng tulong pinansiyal mula sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Ayon sa DOLE, ang nasabing bilang ng mga pinagkalooban ng tulong pinansyal ay mula sa 10,401 tourist establishment, mga organisasyon at asosasyon na inaprubahan na bayaran na nagkakahalaga ng P1.198 bilyon. 

Sa virtual press conference ng DOLE na dinaluhan  ni Department of Tourism (DOT) Secretary Berna Romulo-Puyat at iba pang opisyal at kinatawan ng DOT at Labor department,  ipinamahagi ang Cash Assistance Certificates para sa mga establishment  na nasa “NCR Plus bubble” na nag-apply upang makakuha ng financial assistance ang kanilang mga kawani.

Sinabi ni Labor secretary Silvestre Bello III na lubhang naapektuhan ng lockdown ang mga manggagawa lalo na sa sektor ng turismo kung saan mahalaga ang face-to-face interaction.

Nagtuwang naman ang DOT at DOLE sa pagpapatupad ng COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP) sa sektor ng turismo upang matugunan ang suliranin ng mga manggagawa.

Naglaan ng pondo na P5 bilyon para sa Financial Assistance sa mga kuwalipikadong mamggagawa sa Primary at sa Secondary Tourism Enterprises, kasama man sila sa DOT-Accredited o LGU-Licensed, Tour Guide Associations at mga lehitimong Community-Based Tourism Organizations.

Hinihikayat ni Bello ang mga apektadong manggagawa sa sektor ng turismo na apektado ng  Enhanced Community Quarantine sa Metro Manila at mga lalawigan ng Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal na mag-avail ng nasabing tulong pinansiyal.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.