Ipinag-utos ngayon ni Manila Mayor Francisco Domagoso sa lahat ng tanggapan sa Manila City Hall na hanggang 30 porsyento lamang muna ng kanilang mga kawani ang payagan na pumasok sa trabahong pisikal.
Ginawa ng alkalde ang anusnyo kasunod ng emergency meeting nito kasama sina Vice Mayor Maria Sheilah Honey Lacuna-Pangan at mga pangunahing opisyal ng pamahalaang lungsod upang pag-usapan ang sitwasyon ng COVID-19 sa Maynila.
Batay kasi sa datos ng Manila Health Department, ang bilang ng mga aktibong kaso ng sakit nitong Linggo sa Maynila ay umabot sa 1,549, may kabuuang 28,451 na ang gumaling recoveries at 824 na ang bilang ng mga namatay.
“Babalik tayo sa pagbabawas ng mga tao sa city hall para precautionary measure,” anang alkalde.
“Babalik tayo and I believe in you na kahit konti lang tayo, makakapag function tayo efficiently,” dagdag pa nito.
Ang pagpapatupad ng 30 percent working capacity ay magsisimula ngayong araw Marso 15, maliban na lamang sa mga opisina ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office, Department of Public Services, Department of Public Service, Manila Traffic and Parking Bureau, Manila Health Department, Manila Department of Social Welfare, at lahat ng district hospitals.
Inihayag din ng alkalde kay Manila Police District Chief P/BGen. Leo Francisco na lahat ng “leave” maliban sa medical leaves, ay ideklarang kanselado upang matugunan ang sitwasyon laban sa COVID-19.
Samantala, ipapakalat naman ang mga tauhan ng MPD SWAT upang mapanatili ang peace and order sa syudad.
Inatasan din ni Domagoso si Bureau of Permits Director Levi Facundo na inspeksyunin ang pagpapatupad ng health protocol sa mga establisimiyento.
Maging ang Department of Engineering and Public Works ay inatasan ding tiyakin na lahat ng quarantine facilities ay gumagana.
Sinabi rin ni Domagoso na magsasagawa rin ito ng random inspection sa lahat ng mga barangay sa lungsod. Nagbanta ito na hindi siya mangingiming parusahan ang sinumang opisyal na may pagpapabaya at sisibakin ang mga opisyal ng barangay na
Mahigpit ang direktiba ng alkalde sa lahat ng opisyal ng city hall, barangay, at kapulisan na magtulong-tulong upang mapigilan ang pagkalat mg COVID-19.
Lahat naman ng behikulo ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office ay gagamitin para sa pagpapatupad ng health protocols para sa “one entry, one exit” policy sa lahat ng palengke upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa publiko.
“Any circumstance must be addressed efficiently and mabilis pero at the same time ingat lang,” ayon pa kay Domagoso.
(With report by Jonah Aure)

