ITINAKBO sa iba’t-ibang pagamutan ang sampung indibidwal nang araruhin ng isang kotse sa Maynila.
Umabot naman sa 15 sasakyan at motorsiklo ang nadamay sa insidente.
Sa inisyal na imbestiagsyon ng Manila Traffic Enforcement and Traffic Bureau, binalewala umano ng driver ng itim na Honda Sedan na may plakang THI 328 ang tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau habang siya ay pinahihinto dahil sa paglabag sa traffic signal.
Napag-alaman na nagpatuloy pa rin at pinaharurot ng suspek ang kanyang kotse kahit naka-red signal ang traffic light.
Sa kagustohang makatakas, inaararo nito ang ilan pang sasakyan kabilang ang mga motorsiklo.
Umabot ang habulan sa kanto ng Ayala Boulevard kung saan siya naaresto ng mga awtoridad.
Sa naunang impormasyon, mayroon na rin umanong nasagi ang suspek sa bahagi ng Pedro Gil na kanya ring tinakasan hanggang sa makarating sa kahabaan ng Taft Avenue kanto ng Finance Road kung saan nagsimula nang araruhin ang mga sasakyan at motorsiklo.
Ayon sa Traffic Bureau, iniradyo na lamang sa kanila ang insidente nang may masagi nang tao sa UN at Kalaw ang suspek.
Nagpasaklolo naman ang tropa ng traffic sa Bureau of Fire volunteer upang habulin ang suspek ngunit nagtangka pa rin itong tumakas dahilan para maararo pa ang ibang sasakyan hanggang sa masukol na ang suspek sa bahagi ng Ayala Boulevard.

