Pinawalang-sala ng Pasig Regional Trial Court si Mario “Mar” S. Valbuena Jr., tagapagsalita at chairman ng transport group na MANIBELA, sa dalawang kasong cyber libel na isinampa laban sa kanya ng dating Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista.
Sa desisyon nitong Setyembre 16, 2025, sinabi ng RTC Branch 158 sa ilalim ni Judge Manuel Gerard C. Tomacruz na nabigo ang prosekusyon na patunayan ang akusasyon laban kay Valbuena, dahilan upang ibasura ang kaso.
Tinukoy ng MANIBELA na ang naging hatol ay hindi lamang tagumpay para kay Valbuena, kundi para rin sa mga tsuper, manggagawa, at mamamayan na patuloy na ipinaglalaban ang karapatan at katarungan.
“Ang cyber libel ay hindi dapat gawing sandata ng estado o gobyerno para patahimikin at sikilin ang mamamayan,” pahayag ni Valbuena.
Nagpasalamat din ang MANIBELA sa kanilang legal team mula sa Adaza Law Office, kina dating gobernador Atty. Homobono Adaza at Atty. Homobono Adaza II, pati na rin kay Babie Lim.
Giit ng grupo, mananatili silang matatag sa paglaban sa anumang anyo ng pang-aabuso, panunupil, at korapsyon, at gagamitin ang tagumpay na ito bilang inspirasyon para mas palakasin ang kanilang panawagan para sa tunay na katarungan at dignidad ng sambayanan.

