Breaking News

Share this information:

TATLONG biktima ng pagkalunod ang naitala sa magkakahiwalay na lugar sa unang araw ng taon, Enero 1, 2024.

Batay sa paunang ulat, isang binatilyo ang nasawi sa pagkalunod nang magkayayaan na mag-swimming ang kanyang pamilya at mga kaibigan sa dam sa Barangay Tagumpay, Roxas, Palawan.

Makalipas ang dalawampung minuto na nakalubog at hindi na muling lumutang ang biktima na pinangalanang “Arthur,” doon na nagpasya na agad isagawa ang paghahanap sa binatilyo. Sa huli ay natagpuan ding wala nang buhay ang biktima.

Isa pang binatilyo na lumangoy sa dagat sa Barangay Bacungan sa San Pedro, Puerto Princesa City, Palawan ang nasawi rin dakong alas-dos ng hapon.

Hinatak ng isang dayuhan ang katawan ng biktima nang mapansing maputla na ito at hindi na gumagalaw sa tubig.

Iniulat naman ang pagkamatay din ng isang 14-anyos na lalaki habang naliligo sa Baywalk sa South Road Properties, Barangay San Roque, Cebu City.

Ayon kay Harold Alcontin mula sa Cebu City Provincial Risk Reduction Management Office, unang ipinabatid sa kanila ang insidente dakong alas-5:28 ng hapon ngunit bandang alas-7:04 ng gabi na nang matagpuan ang katawan ng biktima na natukoy bilang si Mark Lastimoso.

Nabatid sa tiyahin ng biktima na isang epileptic ang pamangkin nito na posibleng nabagok ang ulo bago nalunod dahil na rin sa nakitang sugat sa kanyang katawan.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.