Pulis, dedo sa nililinis na baril sa Davao del Sur

UTAS ang isang pulis sa Bansalan, Davao del Sur makaraang matamaan ng pumutok na baril habang nililinis nito sa loob ng kanilang bahay.

Tinukoy ng pulisya ang pagkakakilanlan ng biktima na si Patrolman Jhaniel Pepito, na nakatalaga sa Second Davao del Sur Provincial Mobile Force Company.

Sa salaysay ng ina ni Pepito, nakita niyang nililinis ng anak ang service pistol nito sa loob ng kanyang silid. Gayunman, makalipas lang ang ilang saglit ay nakarinig na siya ng putok ng baril.

Nang puntahan ng ginang ang anak ay tumambad dito ang duguang katawan ng pulis na nakasandal sa kama.

Bagamat naisugod sa ospital si Pepito, hindi na ito umabot ng buhay.

Patuloy pa ring sinisiyasat ng mga awtoridad ang insidente.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.