Napigilan ng Bureau of Customs ang pagkalat ng mga hindi awtorisadong gamot sa bansa matapos na matuklasan ang tinatayang P25-milyong halaga ng mga gamot na hindi rehistrado at itinago sa isang condominium unit sa Pasay City.
Nabatid mula sa BOC, nabigo ang mga nagtatago ng mga gamot na makapagpakita ng mga dokumento kaugnay sa importasyon ng mga gamot.
Kabilang sa mga nakumpiska ang mga gamot na gamit sa problema sa puso, sakit sa atay, pagkontrol sa cholesterol at pampagana sa pakikipagtalik.
Kinumpiska ng Port of Manila ng Customs ang mga gamot dahil sa posibleng paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act ng may-ari ng kontrabando.
Nagbabala naman ang Port of Manila laban sa paggamit ng hindi otorisadong gamot at nagpaalala sa publiko na ang pag-inom ng gamot ay dapat may pangangasiwa ng isang doktor.

