SA nalalapit na kapaskuhan, nagkasundo ang mall operators at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na baguhin ang mall hours bilang hakbang na maibsan ang inaasahang lalo pang pagbigat ng trapiko sa Metro Manila.
Sa pagsisimula ng malls operating hours sa darating na Nobyembre 17, alas 11:00 ng umaga hanggang alas 11:00 ng gabi epektibo lamang ng weekdays, maliban sa holidays na magtatagal hanggang Disyembre 25.
“The Christmas season brings with it a 10 to 25 percent increase in vehicular volume in Metro Manila roads. By implementing these effective measures, we aim to provide a more manageable traffic flow for the holidays,” saad ni MMDA Chairman Romando Artes.
Kabilang rin sa napagkasunduan na dapat magsumite ang mall operators ng kani-kanilang traffic management plan sa MMDA para sa kani-kanilang mga mall sales at promotional event dalawang linggo bago ang mga nakatakdang petsa ng naturang mga kaganapan. Ang mall-wide sale ay dapat lang isagawa kapag weekends at ang deliveries ng mga goods ay dapat sa gabi lamang isagawa simula alas 11:00 ng gabi hanggang alas 5:00 ng umaga.
Pansamatalang sususpendihin naman ang lahat ng road right-of-way excavation activities sa Metro Manila,na kinabibilangan ng road reblocking works, pipe- laying, road upgrading at iba pang excavation works, at exempted sa moratorium ang flagship projects ng gobyerno, DPWH bridge repair and construction, flood interceptor catchment projects, emergency leak repair, at iba pa.
Maliban dito, pinapayagan ang mga provincial bus na dumaan sa EDSA sa pagitan ng alas 10:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga simula Disyembre 20; habang sa Disyembre 24 hanggang Enero 2, ang mga provincial bus ay pinapayagan sa EDSA round-the-clock (24 oras) para sa mas mabilis na turnaround time at para ma-accommodate ang mas maraming pasahero.
Ang mga provincial buses na magmumula sa hilaga ay dapat magtatapos ng kanilang mga biyahe sa Cubao, Quezon City, habang ang mga manggagaling sa Timog ay magwawakas ng kanilang mga biyahe sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) sa Pasay City.
Gayundin, sinabi ni MMDA Artes na ang night-shift duty ng mga traffic enforcer sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila ay mapapalawig hanggang hatinggabi, simula sa Nobyembre 17.
Makikipag- ugnayan ang MMDA sa Department of Transportation (DOTr) at transport groups para palawigin ang oras ng operasyon ng public transport system, lalo na ang EDSA Bus Carousel, LRT, at MRT, at operasyon ng mga public utility vehicles para ma-accommodate ang mga late-night commuters at mall employees.
Paiigtingin din ng MMDA ang No Contact Apprehension Policy (NCAP) at clearing operations para mapabuti ang disiplina sa trapiko.

