HINDI lahat ng ultraviolet o UV lamps tulad ng nabibili sa mga online store ay nakapagbibigay ng proteksyon laban sa COVID-19.
Babala ito ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na iginiit na mas ginagamit ang mga UV lamp sa mga ospital at klinika.
“Meron pong klase ng UV lamp na ginagamit po talaga sa mga hospital settings at mga klinika,” ani Vergeire.
Pero ang mga ibinibenta aniya na mga portable o handheld wand o nabibitbit na sinasabing UV lamp ay hindi totoong nagbibigay ng proteksyon sa virus.
Nauna na ring sinabi ng DOH na hindi nito mairerekomenda ang paggamit ng personal air purifiers dahil sa kakulangan ng siyentipikong ebidensya na epektibo ito laban sa COVID-19.
Maliban dito, sinabi ni Vergeire na hindi rin suportado ng mga eksperto ang iba pang non-pharmacological interventions tulad ng foot bath o ang pagtatapak ng mga paa o sapatos sa may disinfectant na basahan at spraying o misting tent para sa dekontaminasyon.
Mas inirerekomenda ng DOH ang tamang pagsusuot ng surgical mask, face shield o goggles, gayundin ang paglilinis at disinfection. Kung maaari, nais din ng DOH na huwag na munang magsuot ng telang facemask sa mga lugar na mataas ang mga kaso ng COVID-19.

