Nasa 16,433 kapulisan ang ipapakalat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na magbabantay para sa tatlong araw na rally ng Iglesia ni Cristo (INC) na idaraos sa Quirino Grandstand, sa Maynila sa Nobyembre 16-18, 2025.
Batay sa tagapagsalita ng NCRPO na si P/Major Hazel Asilo,ang nasabing bilang ay magmumula sa NCRPO at augmentation mula sa kalapit na regional offices.
“Of which, 8,641 po yung manggagaling ng NCRPO and 7,792 yung manggagaling from augmentation from other regional offices,” sabi pa nito.
Dagdag pa ni Asilo, posibleng makasabay pang malakihang rally sa Quirino Grandstand ang rally ng United People’s Initiative (UPI) sa EDSA Shrine at People Power Monument sa Quezon City.
Pinaghandaan ng NCRPO ang pagtatalaga ng maraming kapulisan dahil sa inaasahan din na may mga lightning rally sa iba pang lugar tulad ng Mendiola, at US Embassy.
Magtatalaga din ng parking areas at rerouting sa pakikipag-ugnayan sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Posible rin na magbago ang bilang ng idedeploy, depende sa mapag-uusapan sa final coordination sa darating na Biyernes, kabilang ang security plans sakaling may makuhang impormasyon sa isyu ng destabilization.

