Magpapatupad ang CIC concessionaire ng Manila-Cavite Toll Expressway Project (MCTEP) ng bagong traffic scheme epektibo sa Nobyembre 10, 2025 sa kahabaan ng Kaingin-C5 Road sa Parañaque City at Moonwalk Access Road sa Pasay City.
Magpapahintulot naman ang traffic adjustment sa pagkumpleto sa natitirang 2-kilometer Segment 3B (Kaingin hanggang RSG Subdivision) ng CAVITEX C5 Link, ang 7.7-kilometer segment ng CAVITEX na dinisenyo upang mapabuti ang koneksiyon sa pagitan ng CAVITEX R-1 (Roxas Blvd–Zapote) at C5 Road sa Taguig City upang makatulong naman sa pagpapagaan ng bigat ng trapik sa pangunahing daanan sa katimugang Metro Manila.
Kapag nakumpleto, ang proyekto ay inaasahang mababawasan ang oras ng biyahe ng hanggang 40 na minuto at mabebenepisyuhan nito ang mahigit 50,000 na motorista araw-araw.
Target na makumpleto ang konstruksiyon ng Segment 3B bago matapos ang Disyembre 2025.
Narito ang detalye ng implementasyon ng traffic scheme:
- Kaingin-C5 Road (Parañaque City): isang lane o linya lamang ang mananatiling madaraanan ng mga sasakyan sa parehong Sucat-bound at Taguig-bound.
- Moonwalk Access Road (Pasay City): dalawang lanes ang madaraanan ng motorista sa Sucat-bound at Taguig-bound.
- Ang mga sasakyan patungong Parañaque, Las Piñas, at Cavite na galing ng CAVITEX C5 Link: ililihis ang mga ito sa Merville Exit patungong Moonwalk Access Road.
Pinapayuhan ang mga motorista na planuhin ang kanilang biyahe at manatiling updated sa mga pinakabagong abiso sa trapiko; ikonsidera ang mga alternatibong ruta upang makaiwas sa pagbigat ng trapik at posibleng antala; at tiyakin ang mga sasakyan na nasa maayos na kondisyon para mapagilin ang paghinto at pagkasira nito hababg nasa biyahe.
Magdedeploy ng mga traffic marshal at safety officer sa nabanggit na lugar upang asistehan ang mga motorista at siguruhing maayos at ligtas ang daloy ng mga sasakyan sa panahon ng konstruksiyon.

