Tinaguriang ‘lookout’ sa pagpaslang sa babaeng buntis at kapatid nito arestado

Nadakip na ang isa sa tatlong suspek na nagsilbing lookout sa pamamaril at pagpatay sa isang buntis at sa babaeng kapatid nito sa kanilang tahanan sa Barangay Gulod, Novaliches, Quezon City noong Miyerkules ng gabi.

Nakakulong na sa Quezon City Police District – Criminal Investigation and Detection Unit(QCPD-CIDU) ang suspek na si alyas “Joseph” matapos na maaresto sa isinagawang follow up operation nitong Huwebes ng madaling araw.

Ayon kay QCPD Acting Director P/Col. Randy Glenn Silvio, bandang alas 12:50 ng madaling araw nitong Huwebes (September 11) nang maaresto si “Joseph” sa kanyang bahay ng mga operatiba ng Novaliches Police Station (PS4) na pinamumunuan ni P/Lt. Col. Aljun Belista.

Sa isinagawang beripikasyon, napag-alaman na si “Joseph” ay may mga kasong paglabag sa RA9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Illegal Gambling noong 2010 at 2025.

Lumilitaw na si “Joseph” ang nagsilbing lookout at nagtimbre sa mga gunman na nasa loob ng bahay ang mga biktima na sina alyas “Angela”, 36, isang buntis at kapatid na si “Jennifer” at ang kaibigan nilang si “Rosa”, 33, na pawang residente ng nasabing barangay.

Habang abala ang mga biktima sa paghahanda ng loot bag para sa nalalapit na pagdiriwang ng ika-7 kaarawan ng pamangkin ng magkapatid nang pasukin sa kanilang bahay ng dalawang lalaki at pinagbabaril ang mga ito.

Dead on the spot ang magkapatid na sina “Angela” at “Jennifer” habang ang kaibigang si ” Rosa” ay patuloy pang inoobserahan sa ospital.

Matapos ay agad na tumakas ang mga suspek sakay ng kulay puting motorsiklo.

Una nang sinabi ng ama ng mga biktima na noong llinggo ay nakatanggap ng death threat ang kaniyang mga anak at binigyan umano ang mga ito ng tatlong araw na palugit para lisanin ang kanilang inuupahang bahay.

Patuloy pang tinutugis ng mga awtoridad ang riding in tandem.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.