UMAABOT sa P1.1 milyon halaga ng hinihinalang pinatuyong dahon ng high grade marijuana ang nasamsam ng mga awtoridad sa isang 24-anyos na online seller na naaresto sa buy-bust operation sa Caloocan City.
Ayon kay Caloocan City Police Chief Police Col. Samuel Mina, dakong alas-4:40 ng madaling araw nang Linggo, August 8, 2021, nang isagawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni Police Maj. Deo Cabildo, kasama ang Regional Mobile Force Battalion (RMFB) ng NCRPO sa pangunguna ni Police Maj. Vilmer Miralles laban sa suspek na si Michael Kevin Garcia, sa harap ng kanyang bahay sa 116 Ligaya St., Brgy. 122.
Nagawang makipagtransaksyon sa suspek ni Patrolman Daryl Villanueva na nagpanggap na buyer ng P4,000 halaga ng droga at nang iabot ni Garcia ang isang medium transparent plastic ng pinatuyong dahon ng marijuana at fruiting tops sa poseur-buyer kapalit ng marked money ay agad siyang sinunggaban ng mga operatiba.
Ani Mina, isinagawa ang operation matapos ang isang linggong validation makaraan ang natanggap na tip ng isang impormante hinggil sa umano’y illegal drug activities ng suspek.
Nakumpiska sa suspek ang 9,250 gramo ng high grade marijuana at fruiting tops na may standard drug price na P1,110,000.00.

