BINUKSAN na ngayong Sabado ang COVID-19 drive through vaccination site sa Quirino Grandstand sa lungsod ng Maynila.
Sa pamamagitan ng drive through vaccination site, maaari nang magpabakuna rito yaong mga may dalang sasakyan upang mabawasan ang mga pumipila sa mga vaccination sites sa lungsod.
May proseso pa rin ang pagpapabakuna sa drive through kung saan ang sino mang magpapabakuna ay kailangang magpa-rehistro muna sa website ng pamahalaang lungsod ng Maynila.
Kapag nakatanggap na ng mensahe sa pamamagitan ng text ay saka pa lamang maaaring pumunta sa drive through vaccination site na katabi lamang ng Manila COVID-19 Field Hospital at COVID-19 testing site.

Ang pagbubukas ng naturang drive-through vaccination site ay pinangunahan ni Manila Mayor Francisco Domagoso.
Nilinaw naman ng pamahalaang lokal na hindi lamang ang driver ng sasakyan ang maaaring magpabakuna kundi maging ang kanyang kasama sa sasakyan basta nakarehistro.
Tatanggapin din sa drive-through vaccination site ang hindi taga-Maynila basta’t sila ay nakapagparehistro din.
Naglaan naman ang Manila LGU ng 400 doses para sa pagbubukas ng drive through vaccination site ngayong araw.
(PHOTO CREDIT: Manila PIO)

