Arestado ang dalawang Chinese national ng mga operatiba ng District Special Operations Unit-Southern Police District (DSOU-SPD) kaugnay sa nakabinbing kasong qualified trafficking, sa Pasay City.
Kinilala ni SPD Acting Director P/Brig. General Randy Arceo ang mga dinakip na sina alyas “Shuwei”, 33, at alyas “Lao Pang”, 32 anyos.
Inaresto ang mga suspek dakong alas 3:30 ng hapon ng Nobyembre 17 sa 6th floor ng Nasdake Building, sa William St., FB Harrison St., Pasay.
Pinangunahan ang operasyon ng DSOU, kasama ang District Intelligence Division ng District Mobile Force Battalion (DMFB) at ng Women and Children Protection Section (WCPS) ng Pasay City Police Station.
Sa inilabas na warrant of arrest nitong Nobyembre 13, 2025, ni Hon. Divina Gracia Lopez Peliño, Presiding Judge ng Regional Trial Court (RTC) Branch 116, Pasay City , walang inirekomendang piyansa sa kasong paglabag sa Republic Act 11862 (Qualified Trafficking) sa ilalim ng (Section 4(j) kaugnay sa Section 6(c)).

