Talamak na pagmimina sa Zambales, inulan ng reklamo

INULAN ng reklamo ang isang mining company sa lalawigan ng Zambales dahil sa umanoy talamak at walang pakundangang pagmimina na ilegal na isinasagawa sa malaking bahagi ng kabundukan roon.

Nabatid mula sa City Environment Natural Resources Office (CENRO), partikular na inirereklamo ng mga residente ng Purok 2, Barangay Lucapon North sa bayan ng Sta. Cruz ang Ying Long Steel Corporation na kung saan ay nakatakda umanong ipahinto ang operasyon nito dahil sa kawalan ng kaukulang dokumento mula sa Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Ayon sa CENRO, tanging ‘business clearance’ lamang na nakuha sa Barangay ang hawak ng kumpanya at hindi awtorisadong magsagawa ng anumang mining operation sa anumang kabundukan na sakop ng lalawigan.

Hindi na umano nakatiis ang mga naninirahan sa lugar na maghain ng reklamo laban sa kumpanya dahil sa nangyaring mudslide at pagbabaha na ng putik sa kalsada at maging sa mga bukid matapos bumuhos ang ulan nitong Abril 28, 2021.

Reklamo pa ng mga residente ang sobrang lakas ng dagundong sa walang patid na pagbubungkal sa mga puno at rumaragasang mga malalaking tipak ng bato sa magdamag. Nakatakda umanong makipagpulong ang mga residente sa mga kinauukulan upang hingan ang mga ito ng aksyon para tuluyang ipahinto ang ilegal na pagmimina sa lugar para na rin mapareserba ang natitirang bahagi ng kabundukan.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.