ARESTADO ang isang Swiss national na ngayon ay nasa kustodiya ng Bureau of Immigration (BI) sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City matapos masakote sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) habang papalabas ng bansa patungong Bangkok.
Ang suspek ay nakilalang si Heinz Arbenz, 66 anyos na nahaharap sa mga kasong may kaugnayan sa sexual abuse sa mga bata.
Inaresto ang dayuhan ng mga operatiba ng BI Fugitive Search Unit matapos makumpirma ang mga kinakaharap nitong mga kasong sex crimes.
Base sa record ng Immigration si Arbenz ay dalawang beses nang convicted sa Switzerland noong 2017 at 2021 kaugnay sa pamamahagi ng child sexual abuse materials.
Napag-alaman ng immigration na higit tatlong linggo nang nanatili sa bansa ang dayuhan na bumibisita sa Southeast Asian countries para mambiktima umano ng mga kabataan.
Inihahanda na ang pagpapabalik sa dayuhan sa kanilang bansa habang inilagay na ito sa blacklist ng immigration upang hindi na ito makabalik pa sa Pilipinas.

