Tiniyak ng Department of Health (DOH) na sa huling bahagi ng 2026 ay handa nang mai-turn over sa kanila ang Subic General Hospital, kasunod ng paglilinaw ng ahensya sa mga isyung ibinabato laban sa proyekto.
Ginawa ang pahayag matapos ang isang pulong balitaan sa Subic, Zambales kasama ang ilang opisyal Department of Public Works and Highways (DPWH) hinggil sa mga alegasyon sa pagkaantala at umano’y pagiging “ghost project” ng ospital.
Ayon sa DOH, kumakalat ang maling impormasyon sa social media at ilang ulat na sinasabing halos isang dekada nang natengga ang proyekto.
“Hindi totoo na sampung taon itong walang nangyari. Ang proyekto ay dumaan sa ilang yugto at pagbabago ng saklaw at pondo,” pahayag ng DOH.
Nagsimula ang bidding sa proyekto noong 2022 bilang inisyatiba ng lokal na pamahalaan ng Subic, Zambales para sa isang 20-bed infirmary, na may inisyal na pondo na P10 milyon mula sa DOH.
Noong 2021, nag-donate ang isang negosyante na si Willy Tan ng Hausland Group ng 5,000 square meters para sa ospital. Sa panahong iyon, in-upgrade ang plano ng pasilidad sa isang Level 1 hospital na may 74-bed capacity.
Gayunman, noong 2023 ay natigil ang konstruksyon dahil sa kakulangan ng pondo, at kalaunan ay inilipat ang proyekto sa pangangasiwa ng DOH.
Noong Mayo 2024, muling nagkaroon ng bidding ang proyekto sa halagang P289.5 milyon para sa pagtatayo ng 74-bed Level 3 hospital.
Pinalawak din ang plano ng pasilidad hanggang sa target nitong maging 150-bed capacity, kasunod ng karagdagang P300 milyon na pondo na inilaan noong Hulyo 2025.
Noong Disyembre 2025, isa pang P50 milyon ang naibigay sa pamamagitan ng bidding para sa susunod na yugto ng konstruksyon.
Ayon sa DPWH, ang Phase 1 at Phase 2 ng proyekto ay nasa humigit-kumulang 85 porsiyento nang kumpleto.
Mula sa 5,000 square meters ay mas pinalawak pa ang hospital complex sa 1.5 ektaryang lupa noong Mayo 2025.
Target ngayon ng pamahalaan na makumpleto ang konstruksyon at maipasa ang pasilidad sa DOH sa Nobyembre 2026.
“DOH ang magpapatakbo niyan, hindi ang LGU Subic,” paglilinaw ng Health department.
“Kapag natapos, ang Subic General Hospital ay magiging isang Level 3 hospital na may 150-bed capacity, na inaasahang magsisilbi hindi lamang sa Subic kundi sa mas malawak na bahagi ng Zambales at mga karatig-lalawigan”, dagdag pa ng DOH.
Sinabi pa ng ahensya na mahalagang ituwid ang mga maling impormasyong kumakalat upang hindi malito ang publiko at masigurong may malinaw na pananagutan at tiwala sa mga proyektong pangkalusugan ng pamahalaan.

