Puganteng Instik na wanted dahil sa online gambling, timbog sa BI

BUMAGSAK sa kamay ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Chinese national na matagal nang wanted sa China dahil sa ilegal na operasyon ng online gambling.

Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang suspek na si Li Wen Jie, 32 anyos, na nahuli ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI sa isang bahay sa Gen. V. Lucban Street, Brgy. Bangkal, Makati City noong Abril 28.

Ayon sa impormasyon na ibinahagi ng Chinese government, si Li ay may warrant of arrest sa Luzhou, Sichuan Province dahil sa pagpapatakbo nito ng isang online gambling app na “Qikaidesheng,” kung saan nakalikom na umano ito ng mahigit USD 154,000 na komisyon.

Napag-alaman ding overstaying sa bansa si Li mula pa noong Mayo 6, 2023.

Kasalukuyang nakakulong si Li sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig habang inaantabayanan ang pagpapabalik nito sa kanyang bansa. Kapag napaalis, siya ay ilalagay sa blacklist at habambuhay nang hindi pahihintulutan na makapasok sa bansa. 

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.