Parañaque City handa na sa ‘The Big  One’

PATULOY ang pamahalaang Lunsod ng Parañaque sa paghahanda para sa ‘The Big One’.

Bagamat wala sa fault line, naninindigan ang nasabing lungsod sa isang “maghanda para sa lahat” na pamamaraan upang harapin ang banta ng ‘The Big One.’ 

Sa pangunguna ni Parañaque City  Mayor  Edwin L. Olivarez, sabay-sabay na kumikilos ang Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO), General Services Office (GSO), at Office of the Building Official (OBO) upang matiyak na mananatiling matatag ang lungsod laban sa anumang maaaring idulot na pinsala ng isang malakas na lindol.

Binigyang-diin ng Alkalde sa flag-raising ceremony noong Oktubre 20 ang napakahalagang papel ng 16 barangay, iba’t ibang kagawaran tulad ng Bureau of Fire Protection – Paranaque (BFP), mga pampublikong ospital ng lungsod gaya ng Ospital ng Paranaque 1 & 2, Department of Interior and Local Government (DILG), Health Emergency Management Services (EMS) team, at Philippine National Police-Paranaque (PNP) sa pagtugon sa mga natural na kalamidad.

“Pero, hindi tayo pwede po maging kumpyansa. Tuloy pa din po ‘yung ating paghahanda po dito [para po sa ‘The Big One’],” giit niya.

Sa nakalipas na anim na buwan, patuloy na nagsasagawa ng serye ng mga earthquake drill ang DRRMO sa mga pampublikong paaralan sa lungsod. 

Sa pamamagitan ng OBO, nagsagawa ng “structural audit” ang lungsod noong Oktubre 13 at 14 sa mga mahahalagang imprastruktura, kabilang ang mga gusali ng pampublikong paaralan.

“Kaya, tuloy-tuloy po ang inspection ng ating OBO para po safe ang lahat, [maging ang] facility all over the City of Parañaque,” dagdag pa ng Alkalde .

Isinasagawa ang naturang audit alinsunod sa atas ng Department of Education – National Capital Region (DepEd-NCR) upang matiyak ang kaligtasan at katatagan ng mga gusali ng paaralan at maiwasan ang anumang peligro para sa mga mag-aaral at kawani.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.