P58.31 milyon shabu shipment, nasabat ng inter-agency team sa Maynila

TINATAYANG aabot sa 8.575 kilos ng ilegal na droga na nakapaloob sa pakete ng assorted dried spices at nagkakahalaga ng P58.31 milyon ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC).

Ang naturang kargamento ay sinasabing galing ng bansang Nigeria at idineklarang “food stuff.”

Gayunpaman, sa pagsusuri ng mga dokumento sa pag-import at pag-verify, napag-alamang ito ay ilegal na na-import sa bansa nang walang kaukulang mga permit para sa pag-import nito mula sa Department of Agriculture at Bureau of Plant Industry (BPI).

Ang BOC-Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at BPI ay nakipag-ugnayan din sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) upang i-verify ang mga posibleng pagsama ng ilegal na droga sa mga subject package kung isasaalang-alang na ito ay nagmula sa Nigeria, na dating natukoy na posibleng pinagmumulan ng ilegal na droga.

Nasa kostudiya na ngayon ng PDEA ang nasabing ilegal na droga para sa karagdagang imbestigasyon para sa profiling at case build-up laban sa mga personalidad na sangkot para sa posibleng prosecution sa paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002 kaugnay ng Section 1401 ng Customs Modernization and Tariff Act of 2016.

Ang pagsisikap na ito ay naaayon sa mga direktiba ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, bilang bahagi ng marching order ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pigilan ang pagpupuslit ng droga at tiyakin ang pagpapatupad ng mga hakbang sa proteksyon sa mga border ng bansa.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.