PATAY ang isang steelman habang tatlo ang sugatan nang gumuho ang core wall para sa elevator ng itinatayong gusali sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig City.
Binawian ng buhay habang ginagamot sa St. Luke’s Medical Center ang hindi pa pinangalanang biktima habang ino-obserbahan pa ang tatlo niyang kasamahan.
Ang apat ay pawang mga steelman na sinasabing nagkakabit ng mga bakal sa poste malapit sa elevator.
Bandang alas 11:10 ng tanghali ng Lunes nang mangyari ang aksidente sa 2nd basement ng itinatayong gusali.
Dumating sa naturang lugar na pinangyarihan ng pagguho si Taguig City Police Chief P/Col. Bryan Allatog upang alamin ang nangyaring aksidente.
Sa panayam ng mga media kay Engr. Harley Tagatac, area manager ng Monolith Construction and Development Corporation, pansamantala muna nilang sinuspinde ang konstruksiyon ng 28-palapag na gusali na headquarters ng bantog na clothing and lifestyle brand upang bigyang-daan ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya at lokal na pamahalaan ng Taguig City.
Tiniyak rin ni Engr. Tagatac, na sasagutin nila ang gastusin sa ospital ng mga nadisgrasya at sa pagsasaayos ng burol ng nasawing steelman.
Patuloy pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga otoridad upang alamin kung may mga dapat managot sa pangyayari.

