KASADO na ang plano ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para umalalay sa panahon ng Undas, kung saan nasa 2,400 tauhan ang ipakakalat sa Kalakhang Maynila.
Siniguro ni MMDA Chairman Atty. Don Artes na plantsado na ang kanilang preparasyon para sa paggunita ng Undas.
Kabilang sa paghahanda ang tuloy-tuloy na pag-inspeksyon sa bus stations at iba pang lugar at terminal na inaasahang dadagsain ng mga tao.
“Pinaghahandaan naman natin diyan yung traffic, at yung pong pagbiyahe ng ating mga kababayan.will have usual inspection natin sa mga bus stations,to ensure na yung mga bus drivers natin, then yung drug testing natin sa mga drivers po ng mga buses at naglalatag na rin po tayo ng traffic management plan papunta dun sa mga bus terminals, pantalan, sa mga airports..,” pahayag ni Artes.
Ipapakalat ang nasa 2,400 MMDA personnel para tumulong sa pagtiyak ng kaayusan at kaligtasan ng publiko sa mga sementeryo, terminal at mga pangunahing lansangan.
Aniya, full force ang ahensya at mahigpit na ipatutupad ang “no day-off, no absent” policy simula Oktubre 28 hanggang Nobyembre 2, bilang bahagi ng pinaigting na operasyon ng MMDA.
Makikipag-ugnayan din aniya, sila sa South Luzon Expressway (SLEX) North Luzon Expressway (NLEX) para mas mabilis na makalabas ng Metro Manila ang mga biyahero na karaniwang nagiging imbudo sa mga katulad na okasyon.

