KULUNGAN ang kinabagsakan ng isang mekaniko matapos itong sitahin ng mga pulis na nagsasagawa ng Comelec checkpoint
Pinara ang inarestong suspek, na kinilala ni Valenzuela police chief Col. Ramchrisen Haveria Jr. na si Eduard Santos alyas “Tata,” 41 anyos, ng 59 F Pio Valenzuela St., Brgy., Marulas, dahil walang suot na helmet habang sakay ng isang motorsiklo sa Valenzuela City.
Nang inaresto ay tinangka pa ni Santos na takasan ang mga pulis sa checkpoint. Nakumpiskahan naman ito umano ng baril at ng hinihinalang shabu.
Ayon sa ulat ni PCpl. Glenn De Chavez, dakong alas-11:50 ng umaga sa Comelec checkpoint sa kahabaan ng R. Valenzuela St., harap ng Valenzuela National High School, Brgy., Marulas na pinamahalaan ng mga tauhan ng Valenzuela Police Sub-Station 3 sa pamumuno ni SS3 commander P/Major Tessie Lleva, pinara nila ang suspek dahil wala itong suot na helmet habang lulan ng motorsiklo.
Ngunit sa halip na makinig ay pinaharurot ng suspek ang kanyang minamanehong motorsiklo, dahilan upang habulin siya nina PCpl. Reymon Evangelista at PCpl. Peter Harold Datiles hanggang sa tuluyang masakote kaya inaresto.
Wala rin umanong driver’s license and suspek makatapos ang verification, at wala din maging ang certificate of registration at official receipt ng minamanehong motorsiklo.
Narekober din sa suspek ang isang itim na sling bag na naglalaman ng dalawang transparent plastic sachets na naglalaman umano ng hinihinalang shabu na nasa P3,400 ang halaga, isang cal. 38 revolver na may apat na bala at cellphone.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165, Art. 151 ng Revised Penal Code o RPC (Resistance and Disobedience), RA 10054 (Motorcycle Helmet Law of 2009), Sec. 15 at 19 ng RA 4136 (Failure to Carry OR/CR and Driver’s License) at RA 10591 kaugnay ng Comelec Resolution No. 10728.

