Ex-Gf kinikilan ng P1M: Nigerian national arestado sa entrapment ops sa Las Piñas City

Arestado ang Nigerian national sa aktong pangingikil sa isang babaeng negosyante sa ikinasang entrapment operation ng mga elemento ng District Special Operations Unit (DSOU) ng Southern Police District (SPD).

Base sa ulat kay SPD Acting Director P/ BGen Randy Arceo, ang suspek na si alyas “Dennis”, 48 anyos, residente ng Paco, Maynila ay inireklamo ng dating karelasyon na si alyas “Marie”, 50-anyos, negosyante sa Las Piñas City.

Hinuli ang suspek sa isang fastfood restaurant sa Daanghari Road, Barangay Almanza Dos, Las Piñas City.

Ayon sa reklamo, humihingi umano ng P1-milyon ang suspek at kung hindi magbibigay ay may ibubunyag siya na makakasira sa negosyo ng complainant.

Nagkaroon umano ng 3 taong relasyon ang dalawa at nang makipagkalas na ang biktima ay sinimulan na siyang takutin at kinikikilan ng naturang halaga.

Sa entrapment, naibigay ng biktima ang hinihinging pera, na lingid sa kaalaman ng suspek na boodle money ang dala at isang genuine P1000 bill lang ang nasa ibabaw.

Kinumpiska ng mga otoridad ang hawak na 2 cellphone ng suspek at nabawi ang marked money.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.