DPWH official sa Mimaropa arestado ng NBI sa Quezon City

HINULI kahapon ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang engineer ng Department of Public Works and Highways-Mimaropa (Mindoro Marinduque, Romblon, at Palawan) na kabilang sa may warrants of arrest na inisyu ng Sandiganbayan, sa bahay umano ng pulitiko sa Quezon City.

Maliban kay Engr. Dennis Abagon inaresto rin ang dalawang lalaking tauhan nito ng Technical Intelligence Division ng NBI dahil umano sa obstruction of justice, nang harangin ang team ng NBI.

Naabutan ng mga operatiba ang mga gamit at bag ni Abagon, na hinihinalang inihanda para sa pagtakas umano. 

Sa imbentaryo, kapansin-pansin umano ang isang cellphone at   bagong set ng simcard na pinaniniwalaang ‘burner phone’ at ‘burner simcard’ na maaaring gamitin para sa komunikasyon ng hindi mate-trace ang identity at lokasyon dahil sa hindi rehistrado.

Ibang set ng cellphone din ang nakuha sa bag, mga gamot, damit at iba pang personal na gamit.

Idinepensa naman ni Abagon na pinaghahandaan niya ang planong pagsuko.

Kahapon ay dinala sa tanggapan ng TID-NBI sa headquarters sa Pasay City ang engineer, na ayon sa Atty. Raymond Tansip, isa sa mga abogado ni Abagon, isasailalim sa medical examination ang engineer.

Ang naturang engineer ang unang naaresto sa mga indibidwal na nilabasan ng arrest warrant ng Sandiganbayan kaugnay ng maanomalyang flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.