PINAIIMBESTIGAHAN ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr. ang alegasyon sa mga ulat ng umano’y kalupitan sa hayop sa loob ng National Bilibid Prison (NBP).
“We will not allow this to happen in our facilities,” ani Catapang, sa pagsasabing ‘zero-tolerance policy’ sila sa anumang uri ng kalupitan.
Paniwala ni Catapang na nakakahanap ng aliw at ginhawa ang persons deprived of liberty (PDLs) sa piling ng mga hayop at pinagtutunan nila ng pansin sa Bucor ang kapakanan ng mga hayop at kaligtasan ng mga indibidwal sa loob ng NBP.
Ayon pa sa opisyal bagama’t may mga reklamo ng kagat at kalmot ng pusa sa mga PDL, nakipag-ugnayan ang Bucor sa Muntinlupa City local government at nakipag-ugnayan sa Biyaya Foundation, isang organisasyong nakatuon sa pangangalaga ng hayop.
“This collaboration allows us to implement essential measures, such as vaccinating and controlling the stray cat population within the prison,” dagdag niya na may vaccination at castration programs na ipinatutupad para sa kalusugan ng mga hayop at inmates.
Pinabulananan naman ni Rina Ortiz, CEO at Co-Founder ng Biyaya Foundation na tatlong taon na silang kabalikat ng BuCor para sa kapakanan ng mga hayop.
“Nag-on-ground at on-spot kami diyan sa NBP at wala naman kaming nakikitang payat o may sakit na hayop, kaya hindi ako sigurado kung tungkol saan ito,” sabi ni Ortiz kaya hinimok ang nag-aakusa na magpakita ng mga ebidensya upang mas mapabuti kung mayroon nga, kasunod ng natanggap na ulat na insidente ng kalupitan at pagmaltrato sa mga pusa sa loob ng NBP.
Kaugnay nito, tiniyak din ng Bucor na susuriin nila ang panukala ng Pangulo at Program Director ng Animal Kingdom Foundation na si Heidi Marquez-Caguioa para sa pagsasama ng isang programang tinutulungan ng hayop bilang bahagi ng balangkas ng rehabilitasyon para sa mga PDL.

