NASAMSAM ng mga otoridad ang mahigit P114 milyong halaga ng shabu kung saan nahuli ang tatlong hinihinalang dawit sa pagpasok ng ilegal na droga sa bansa sa Cargo Warehouse sa lungsod ng Pasay.
Ayon sa ulat ni Philippine National Police (PNP) Aviation Security Group (AVSEGROUP) Director P/BGen Dionisio B Bartolome Jr, naghinala ang Bureau of Customs sa laman ng apat na karton nang dumaan sa X-ray screening at sa positibong aksiyon ng K-9 Unit ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sinasabing nagmula ang kontrabando sa Lubumbashi, Democratic Republic of Congo na ipinarating sa bansa at idiniretso sa Cargo Warehouse sa Pasay City.
Kaharap ang mga miyembro ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group, intelligence personnel ng Aviation Security Unit ng National Capital Region (NCR) at Cargo Police Station nang buksan ang apat na kahon nadiskubre ang kabuang 16,848 na gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php 114,566,400.00 na itinago sa loob ng mga berdeng pigurin na inilagay sa mga transparent plastic bags.

