KALABOSO sa stasyon ng pulisya ang labingpitong kalalakihan nang maaktuhan sa pagnanakaw ng mga telecom cable na nagkakahalaga ng mahigit kalahating milyon, sa Barangay Talon Uno, Las Piñas City, Sabado ng madaling araw.
Isinailalim na sa inquest proceedings sa Las Pinas City Police Station, ang mga suspek na sina alyas “John,” “Patrick,” “Joshua,” “Johnrey,” “Dennis,” “Dupper,” “Bamber,” “Rommel,” “Rafael,” “Arman,” “Ryan,” “Jhon,” “Ariel,” “Peter,” “Rolando,” “Kian,” at “Jeffrey” kaugnay sa reklamong paglabag sa Republic Act 10515 (Anti-Cable Television and Cable Internet Tapping Act) at Theft.
Bandang alas 3:35 ng madaling araw nang sumugod sa Alabang-Zapote Road, sa Brgy. Talon Uno ang mga operatiba ng Las Pinas CPS at Talon Uno Sub Station at sa tapat ng isang botika ay naaktuhan ang mga suspek na ikinakarga na sa isang Isuzu closed van na may plakang CPP 9773 ang tinatayang 150 metro ng underground copper cable na may sukat na 2400×0.4.
Nag-ugat ang operasyon sa inireport ng isang roving security guard ng telecommunications provider na napansin niya ang grupo sa ginagawang paghila ng mga kable mula sa ilalim ng kalsada, habang nakaparada ang isang closed van.
Sa nabawing kable na nagkakahalaga ng P556,929.72, kinuha din ang gamit ng mga suspek na isang bolt cutter, 3 improvised steel hooks, at ang closed van na pinagkargahan ng nakaw.
Naghain ng reklamo ang isang alyas “Vicente”, Senior Asset Protection Specialist ng isang telecommunications company, at kinumpirma na pag-aari ng kanilang kumpanya ang mga narekober na kable.

