INARESTO ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isinagawang entrapment operation ang Chinese national na nagbebenta ng mga pekeng peso bills sa Makati City.
Ayon sa NBI-Cybercrime Division (NBI-CCD), ang suspek ay isinailalim na sa inquest proceedings sa Makati City Prosecutor’s Office sa paglabag sa Article 168 (Illegal Possession and Use of False Treasury or Bank Notes and Other Instruments of Credit) sa ilalim ng Revised Penal Code at paglabag sa Republic Act 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012).
Sa nakarating na impormasyon ng NBI-CCD hinggil sa isang “Wang Ye” na nagbebenta online ng pekeng P1,000 bills.
Isinagawa ang operasyon at sa pamamagitan ng informant, nakausap ng isang tauhan ng NBI para makabili ng pekeng pera.
Nakipagkita ang suspek sa nagpanggap na buyer sa isang mall sa Makati at doon nakuha ang dalang 100 piraso ng pinekeng luma at bagong version ng P1,000 bills, na umabot sa kabuuang P53,000.00.
Nalaman din ng NBI na si Wang Ye ay “Deng Lin” ang tunay na pangalan nito.
Ilang kinatawan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang kasama sa operasyon na sumaksi at nagpatibay na mga pekeng pera ang nakumpiska.

