INIHAYAG ng Commmission on Elections (Comelec) na kumpleto na ang preparasyon sa probinsya ng Cebu para sa nalalapt na halalan sa Mayo 12.
Ito ang pahayag ng poll body noong Linggo matapos maabot ng nasabing lalawigan ang lahat ng mga deadline at timeline na itinakda ng Comelec main office.
Magsasagawa ang poll body ng final testing at sealing ng mga vote-counting machine sa Mayo 7 sa lalawigan ng Cebu at sa Mayo 6 sa lalawigan naman ng Bohol na nasa ilalim din ng Region 7 (Central Visayas) ayon kay Comelec-Cebu Province spokesperson Omar Sharif Dilangalen Mamalinta.
Binigyang-diin ni Mamalinta ang mga upgrade sa mga automated counting machine o ACM na gagamitin sa mid-term elections.
Ayon kay Mamalinta, ang mga bagong makina ay nagtatampok ng mas malaking 14-inch screen, kumpara sa 7-inch ng naunang bersiyon at may kasama pang screen side protector para sa ballot secrecy.
Ang iba pang mga katangian ng bagong mga ACM ay mas mahabang buhay na baterya nito, built-in report cutter, faster ballot scanning (200 milliseconds) at auto-alignment ng balota.
Magpapatupad din ng mas maagang botohan mula alas 5 hanggang alas 7 ng umaga para sa mga persons with disabilities (PWDs), senior citizen at mga botanteng buntis.
Ang mga kasama ng mga “vulnerable voters” ay maaari nang magkasabay na bumoto kung sila ay parehong nasa iisang presinto.
Sinabi rin ni Mamalinta ang pagdating ng mga foreign election observers.
Kamakailan ay bumisita sa Comelec Cebu Provincial Office ang European Union Election Observation Mission Philippines 2025 sa pangunguna ni Amael Vier at Marketa Nervindova, kasama si Karen Engracia na kanilang local counterpart para sa isang coordination meeting.

