Nasa 2,747 na bagong kaso ng COVID-19 ang naitala sa bansa ng DOH

INIHAYAG ng Department of Health (DOH) na nakapagtala ito ng 2,747 na mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa mula Hunyo 26 hanggang Hulyo 2, 2023.

Dahil dito, ang average na bilang ng bagong kaso ng COVID-19 kada araw ngayong linggo ay umabot sa 392, ayon sa DOH. Ito ay mas mababa ng 20 percent kung ikukumpara sa mga kaso noong Hunyo 19 hanggang 25.

Sa mga bagong kaso, 32 sa mga ito ang malubha at kritikal, at mayroon namang naitalang dalawa na pumanaw kung saan wala sa mga ito ang naganap noong Hunyo 19 hanggang Hulyo 2.

Iniulat din ng DOH na noong ika-2 ng Hulyo 2023, mayroong 442 kaso na malubha at kritikal na naka-admit sa mga ospital dahil sa COVID-19. Sa kabuuang 1,998 ICU beds para sa mga pasyenteng may COVID-19, sinabi ng DOH na 273 o 13.7 percent sa mga ito ang okupado. Samantala, nasa 3,010 naman o 17.7 percent ng 17,026 non-ICU COVID-19 beds ang kasalukuyan ding ginagamit, dagdag pa ng ahensiya.

Pagdating sa bilang ng mga bakunadong Pilipino, mahigit 78 milyong indibidwal o 100.44 percent ng target na populasyon sa bansa ang bakunado na laban sa COVID-19. Mayroon namang 23 milyong indibidwal ang nakatanggap na ng kanilang booster shots, habang may 7.1 milyong senior citizens o 82.16 percent ng target A2 population ang nakatanggap na ng kanilang primary series ng bakuna, ayon sa DOH.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.