Karagdagang aksyon vs COVID-19, ipinatutupad sa Bataan

NAGLABAS ng mga karagdagang hakbangin ang pamahalaang panlalawigan ng Bataan upang maiwasan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 kung saan ang ilan ay kumpirmadong Delta variant.

Sa isang press conference nitong Lunes, iniulat ni Bataan Governor Albert Garcia na magkakaroon pa ng mas pinaigting na contact tracing sa mga pasyenteng nagpositibo at magha-hire din ng mga karagdagang contact tracers sa tulong ng Department of the Interior and Local Government o DILG.

Magpapatayo rin ng mga modular hospital katuwang ang provincial government at ang Department of Public Works and Highways.

Sa bayan ng Mariveles kung saan may pinakamataas na aktibong kaso ng COVID-19 at mayroong naitalang Delta variant, magkakaroon naman ng granular lockdown ang mga barangay na may mataas na kaso kabilang na ang Biaan, Balon Anito, at Camaya.

Kasabay nito ay muling nagbigay ng paalala si Garcia sa publiko na patuloy na sumunod sa mga health protocol na ipinatutupad ng pamahalaan at magpabakuna upang makamit sa lalong madaling panahon ang herd immunity sa lalawigan.

Dagdag pa niya, mahigpit pa ring ipinagbabawal ang mga malawakang pagtitipon dahil isa ito sa mga nakitang sanhi ng hawaan bukod sa mga umuuwing Authorized Persons Outside Residence (APOR) na nagtatrabaho sa mga lugar na may matataas na kaso tulad ng Metro Manila.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.