TATLO ang patay habang limang iba pa ang sugatan sa gitna ng malakas na pag-ulan at pagbahang dulot ng Habagat sa malaking bahagi ng bansa.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) executive director Ricardo Jalad, nasawi ang isa sa mga biktima sa aksidente sa Kennon Road sa Cordillera Administrative Region.
Nabagsakan aniya ng nabuwal na puno ang sasakyan ng biktima. Dalawa sa kanyang mga kasama ay nasugatan din sa insidente.
“Mayroong tatlong casualty, patay, at saka five injured, pero hindi ito related sa landslides at flooding,” ayon kay Jalad.
Dalawa rin ang namatay sa Region 1 dahil sa kidlat.
Samantala, iniulat din ng NDRRMC na aabot na sa kabuuang 87,493 indibidwal o 19,521 pamilya sa 212 barangay ang apektado ng Habagat na pinalakas ng bagyong Fabian.
Sa nasabing bilang 24,798 residente ang inilikas.
Partikular na apektado ng mga pag-ulan ay ang Region 3, Calabarzon, Mimaropa, Region 6, Cordillera Administrative Region (CAR), at National Capital Region (NCR).
Tinatayang 178 barangay ang iniulat na binaha sa Region 3, Mimaropa at NCR. Hanggang kaninang alas-otso ng umaga, 15 sa mga binahang barangay ang humupa na.
Mayruong pitong kalsada at apat na tulay ang hindi naman madaanan sa Region 3, Mimaropa, Region 6 at CAR.
Naitala rin ang 24 na pagguho o landslides sa Region 1, Calabarzon, Mimaropa, Region 6, at CAR.
Aabot na sa mahigit P14 milyon o katumbas ng apat na ektarya ng pananim sa Region 1 ang pinsala ng Habagat sa agrikultura.
Nasa mahigit P2.4 milyon naman ang halaga ng pinsala sa imprastruktura sa Region 1 at 6. Kasama na rito ang 374 bahay na nasira sa Region 3, Calabarzon, Region 6, CAR at NCR.

