NAILIPAT kahapon ng Bureau of Corrections ang 300 Person Deprived of Liberty (PDLs) na pinagkaitan ng kalayaan mula sa New Bilibid Prison (NBP) patungo sa Leyte Regional Prison sa Abuyog, Leyte, Miyerkules ng hapon.
Ayon kay Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio Catapang Jr. na ang patuloy na paggalaw ng mga PDL ay naglalayong maibsan ang siksikan sa NBP at bahagi ng mas malawak na estratehiya bilang paghahanda sa planong pagsasara ng pasilidad sa 2028.
Mahusay na pinangasiwaan ang paglilipat ng isang dedikadong escort team na binubuo ng 75 corrections officer, na kinabibilangan ng mga miyembro ng BuCor SWAT, mga medical personnel, at isang escort group na pinamumunuan ni Chief Correctional Inspector Roberto Butawan.
Nakaalalay ang Philippine National Police ( PNP) sa Muntinlupa, lokal na pulisya ng probinsya, ang South Luzon Expressway security group, at ang Philippine Coast Guard, ang BuCor para sa seguridad at maayos na paglipat ng mga PDL.
Ayon kay Catapang ang hakbang na ito ay sumasalamin sa patuloy na mga pagsisikap na repormahin ang sistema ng mga koreksyon habang pinapahusay ang kaligtasan at seguridad sa loob ng mga pasilidad.

