Posible na umanong makapagpatupad ang pamahalaan ng mas maluwag na quarantine level sa Metro Manila sa susunod na linggo, bunsod na rin nang naoobserbahang pagbagal ng virus reproduction rate sa rehiyon, ayon sa OCTA Research Group.
Nauna rito, sinabi ng Malacañang na ikinukonsidera nilang maisailalim na ang Metro Manila sa modified enhanced community quarantine (MECQ) matapos ang dalawang linggong strict lockdown dito o enhanced community quarantine (ECQ).
Ayon naman kay Guido David ng OCTA Research Group, hanggang nitong Lunes, ang COVID-19 reproduction number o ang bilang ng mga taong naihahawa ng isang COVID-19 patient, ay nasa 1.53 na.
Inaasahan aniyang higit pa itong bababa at aabot pa ng 1.2 sa pagtatapos ng pag-iral ng 2-week ECQ sa Abril 11.
Kung magtutuluy-tuloy aniya ang pagbaba ng reproduction number ay maaari na ngang paluwagin ang quarantine level.
“Possible naman…Kung ganun, pag malapit na siya sa 1, kahit mag-MECQ tayo pwede natin mapapababa ‘yan sa 1 within the following week,” ani David sa isang panayam sa radyo.
“Yung projection natin mukhang aabot naman tayo ng 1.2 reproduction number or even less. Baka hindi na necessary i-extend ang ECQ,” aniya pa.
Sinabi ni David na maaaring magsagawa muli ng ebalwasyon ang mga opisyal sa pagtatapos ng linggo kung palalawigin pa ba ang ECQ sa NCR Plus area o hindi na.
“Syempre kung di bumaba masyado ang reproduction number mahihirapan tayo… So far, mukhang aabot tayo ng 1.2, or even 1.1 pa nga pero medyo optimistic ang 1.1,” aniya pa.
Una nang sinabi ng OCTA Research Group na posibleng umabot ng hanggang isang milyon ang COVID-19 cases sa bansa bago matapos ang Abril.