POSIBLENG magkasabay na manalasa sa Pilipinas ang malakas na bagyong Rolly at ang isa pang bagyo na tatawaging Siony.
Nakataas ngayon ang Storm Signal No.3 sa ilang lugar sa Bicol Region dahil sa inaasahang pagbayo ng Typhoon Rolly.
Itinaas ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 3 sa Catanduanes, Silangang bahagi ng Camarines Sur (Cabusao, Libmanan, Pasacao, Pamplona, Magarao, Bombon, Calabanga, Canaman, Camaligan, Gainza, Naga City, Milaor, San Fernando, Minalabac, Pili, Ocampo, Baao, Bula, Balatan, Nabua, Bato, Iriga City, Buhi, Sagnay, Tigaon, Goa, Tinambac, Siruma, Lagonoy, San Jose, Garchitorena, Presentacion, Caramoan), at Albay.
Nakataas din ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa Bulacan, Rizal, Metro Manila, Laguna, Cavite, Batangas, Quezon kasama ang Polillo Islands, Camarines Norte, nalalabing bahagi ng Camarines Sur, Sorsogon, Masbate kasama ang Ticao at Burias Islands, Marinduque, Romblon, Oriental Mindoro, at Occidental Mindoro kasama ang Lubang Island, Northern Samar, Hilagang bahagi ng Samar (Hinabangan, Paranas, Motiong, Jiabong, Catbalogan City, San Jose de Buan, San Jorge, Tarangnan, Gandara, Santa Margarita, Matuguinao, Calbayog City, Tagapul-An, Almagro, Santo Nino, Pagsanghan), Hilagang bahagi ng Eastern Samar (San Julian, Sulat, Taft, Can-Avid, Dolores, Maslog, Oras, San Policarpo, Arteche, Jipapad).
Nasa ilalim naman ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 ang Pampanga, Bataan, Zambales, Tarlac, Nueva Ecija, Aurora, Pangasinan, La Union, katimugang bahagi ng Ilocos Sur (Quirino, Gregorio Del Pilar, Salcedo, San Emilio, Candon City, Galimuyod, Santa Lucia, Cervantes, Sigay, Santa Cruz, Suyo, Tagudin, Alilem, Sugpon), Mountain Province, Benguet, Ifugao, Nueva Vizcaya, Quirino, central at southern portions ng Isabela (Mallig, Quirino, Ilagan, Roxas, San Manuel, Burgos, Gamu, Palanan, San Mariano, Benito Soliven, Naguilian, Reina Mercedes, Luna, Aurora, Cabatuan, San Mateo, Cauayan City, Dinapigue, San Guillermo, Echague, San Agustin, Jones, Angadanan, Alicia, San Isidro, Ramon, Santiago City, Cordon), at Calamian Islands gayundin sa nalalabing bahagi ng Eastern Samar, nalalabing bahagi ng Samar, Hilagang bahagi ng Leyte (Leyte, Tabango, San Isidro, Calubian, Capoocan, Carigara, Tunga, Barugo, San Miguel, Babatngon, Tacloban City), northwestern portion ng Aklan (Numancia, Lezo, Makato, Tangalan, Ibajay, Nabas, Malay, Buruanga, Kalibo), at northwestern portion ng Antique (Libertad, Pandan).
Dakong alas-4 ng Sabado ng hapon nang mamataan ang Typhoon Rolly sa layong 345 kilometro ng East Northeast ng Virac, Catanduanes.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na hanggang 215 kilometro malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 265 kilometro bawat oras. Kumikilos sa bilis na 25 kilometro kada oras ang Typhoon Rolly.
Ayon sa PAGASA, sa Linggo ng umaga ay inaasahang daraan ng Catanduanes, mainland Camarines provinces at mainland Quezon.
Dala ng bagyong Rolly ang malakas na hangin at matinding pag-ulan mula umaga hanggang hapon sa Catanduanes at Camarines provinces at katulad na panahon din sa Quezon pagsapit ng hapon hanggang magdamag.
Matapos na dumaan ng Southern Luzon-Metro Manila area, ang sentro ng bagyo ay lalabas ng mainland Luzon sa Lunes ng madaling araw.
Bagyong Siony (Atsani), sasabay kay Rolly
Napanatili naman ng Tropical Depression Atsani ang lakas nito habang inaasahang papasok din sa Philippine Area of Responsibility (PAR), Linggo ng hapon.
Ayon sa PAGASA, huling namataan ang bagyong Atsani sa layong 1,655 kilometro ng Silangan ng Southern Luzon, sa labas pa ng PAR.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na 55 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 70 kilometro kada oras. Kumikilos ang bagyo sa bilis na 25 kilometro kada oras. Maaaring hindi pa makaapekto ng husto sa ano mang bahagi ng bansa ang bagyo sa susunod na dalawa o tatlong araw.