Tuloy ang kaso laban sa isang barangay chairman sa Maynila na nabidyuhan na nangingikil ng isang libong piso sa bawat benepisyaryo ng Social Amelioration Package (SAP) sa kanilang lugar.
Sa isang panayam, sinabi ni Department of Interior and Local Government (DILG) Usec. for Barangay Affairs Martin Diño na kahit isinoli pa ni Chairman Augusto “Jojo” Salangsang ng Brgy 261, Zone 24, Tondo District 2, ang pera, ay “consummated” na ang kanyang kasalanan at malinaw na may kaso.
Tiniyak din ni Diño na siya mismo ang pipirma sa complaint sheet upang maisampa ang kaso sa Office of the Ombudsman.
“Ang kapal ng mukha nyan, may dala pang lechon manok. Basta may affidavit, ako mismo ang pipirma sa kaso laban dyan at ipatatanggal ko yan,” pahayag pa ni Diño.
Magugunitang nabidyuhan si Salangsang habang nangingikil ng isang libong piso mula sa mga SAP beneficiaries at idinawit pa ang hepe ng Manila District Social Welfare (MDSW) District 2 Director na si Julie Bajelot.
Kinasuhan din ni Bajelot si Salangsang dahil sa pagdawit nito sa kanya sa alegasyon ng pangingikil.