Tropical Storm Pepito, lumakas pa at nagbabanta sa Aurora

NAPANATILI ng bagyong Pepito ang lakas nito habang patuloy na nagbabanta sa Aurora Province.

Sa ipinalabas na Severe Weather Bulletin ng PAGASA ngayong alas-8 ng gabi, inaasahan na magla-landfall ang bagyo sa Aurora sa pagitan ng alas-otso hanggang alas-11 ng gabi.

Kikilos sa kalupaan ng Luzon ang bagyo at bukas ng umaga ay nasa bahagi na ito ng West Philippine Sea.

Sa Huwebes ng umaga o hapon ay inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Tropical Storm Pepito.

Alas-7 ngayong gabi nang huling mamataan ang mata ng bagyo sa layong 70-kilometro ng Silangan ng Baler, Aurora at kumikilos sa bilis na 25 kilometro kada oras.

Tinataya naman ang lakas ng hangin ng hanggang 75 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 90 kph.

Nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal 2 sa La Union, Pangasinan, Ifugao, Benguet, Nueva Vizcaya, Quirino, Nueva Ecija, Tarlac, Aurora, katimugang bahagi ng Isabela (Palanan, San Mariano, Benito Soliven, Naguilian, Gamu, Burgos, San Manuel, Aurora, Cabatuan, Luna, Reina Mercedes, Cauayan City, Dinapigue, San Guillermo, Angadanan, Alicia, San Mateo, Ramon, San Isidro, Echague, San Agustin, Jones, Santiago City, Cordon),katimugang bahagi ng Ilocos Sur (Sugpon, Alilem, Tagudin), hilagang bahagi ng Zambales (Iba, Palauig, Masinloc, Candelaria, Santa Cruz, Botolan, Cabangan), hilagang bahagi ng Bulacan (San Miguel, Doña Remedios Trinidad), hilagang bahagi ng Pampanga (Candaba, Arayat, Magalang, Mabalacat) at hilagang bahagi ng Quezon (General Nakar).

Samantala, nakataas naman ang Signal No. 1 sa Abra, Kalinga, Mountain Province, Bataan, Metro Manila, Rizal, at nalalabing bahagi ng Quezon (Infanta, Real) at nalalabing bahagi ng Zambales.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.