TATLONG hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa Valenzuela at Navotas ang inaresto ng pulisya sa magkakahiwalay na mga buy-bust operation sa nasabing mga lungsod.
Sinabi ni PLt. Joel Madregalejo, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela Police na dakong alas-11 ng umaga nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng SDEU na pinangunahan ni PLt. Doddie Aguirre sa Salt Street, Llenado Subdivision, Brgy. Karuhatan dahil sa natanggap na impormasyon hinggil sa pagbebenta umano ng ilegal na droga ni Sherwin Angeles alyas “Botchok,” 29 anyos, ng Area 4 Dumpsite Pinalagad, Malinta.
Nang matanggap ang pre-arranged signal mula kay PSSgt. Arvin Lirag na siyang poseur-buyer na nakabili na ito ng droga mula sa suspek ay agad lumapit ang back up na si PCpl. Kenneth Marcos saka sinunggaban si Angeles.
Sinabi ni PSMSgt Fortunato Candido, nakumpiska sa suspek ang tinatayang nasa 10 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P68,000, P500 marked money, P200 cash at cellphone.
Samantala, nadakip naman ng mga operatiba ng SDEU ng Navotas Police dakong alas-10:05 ng gabi sina Ricky dela Cruz alyas “Ike,” 48 anyos, at Jake Casenas alyas “Ugang,” 36 anyos, sa isa ding buy-bust operation sa Lacson Street, Brgy. NBBN sa Navotas.
Narekober mula sa mga suspek ang nasa 11 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P74, 800 at marked money.
Ang mga suspek na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.