DIRETSO sa kulungan ang tatlong hinihinalang drug personalities, kabilang ang dalawang babae matapos mahuli sa aktong sumisinghot ng shabu sa Malabon City kaninang madaling araw.
Ang mga naarestong suspek ay positibong kinilala ni Malabon police chief Col. Albert Barot bilang sina Bayan Reyes, 36 anyos, Abegail Jervoso, 29 anyos, isang vendor ng Block 41, Blue Marlin St., Brgy. Longos; at Jullefer Dela Cruz, 32 anyos, ng Block 2, Lot 27, Phase 3 E1, Brgy. 14 Dagat-Dagatan, Caloocan City.
Ayon kay Col. Barot, isang concerned citizen na nagpakilala lang sa alyas na “Ana” ang personal na nagtungo sa opisina ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) at i-nireport ang nagaganap na pot-session sa bahay ni Reyes sa Block 3, Lot 65, Phase 2 Area C, Brgy. Longos, Malabon City.
Agad inatasan ni PLt. Alexander Dela Cruz si PSSgt. Edison Dela Cruz na pangunahan ang isang team ng SDEU saka puntahan ang naturang lugar para i-validate ang naturang ulat.
Pagdating nila sa lugar dakong alas-4 ng madaling araw, naaktuhan ng mga operatiba sa loob ng naturang bahay ang mga suspek na sumisinghot ng shabu na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanila.
Nakumpiska sa mga suspek ang apat na transparent plastic sachets na naglalaman ng 6.8 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P46,240 at ilang drug paraphernalia.
Sinabi ni PSSgt. Jerry Basungit na nahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.