INIHAYAG ng Department of Health (DOH) na nalampasan na ng gobyerno ang target nito na mabakunahan na bilang ng mga sanggol simula nang ilunsad ang “Vax-Baby-Vax” campaign sa koordinasyon sa mga local government units (LGUs).
Nasa 137,701 sanggol sa National Capital Region (NCR) ang nakatanggap na ng kanilang regular na bakuna ngayong Nobyembre, ayon sa DOH.
Ayon pa sa kagawaran, ang bilang na ito ay lagpas pa sa 100 porsiyentong orihinal na target ng gobyerno na 137,000 mababakunahan sa Metro Manila, na nagdala sa kabuuang coverage sa 100.48 percent.
Ang 10-day catch-up immunization campaign na inilunsad noong Nobyembre 7 ay layon na maprotektahan ang mga sanggol sa NCR na edad 0-12 buwan gulang laban sa vaccine preventable diseases (VPDs) kabilang ang polio, measles, mumps, rubella, diphtheria, hepatitis B, at human papilloma virus (HPV).
Sinabi ng DOH na ang City of Manila ang top performing city na may pinakamataas na naitalang mga nabakunahan sa nasabing age group na nasa 28,073 na mga sanggol o 130 percent na immunized.
Sinundan ito ng Quezon City na may 23,732 na mga sanggol o 129 percent, at at Parañaque City na may 10,803 sanggol o 122 percent.
“We are very proud of this achievement not because we exceeded our target, but because having done so means that we were successful in protecting our children against debilitating but easily-preventable diseases,” saad ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire
Umapela rin ang DOH OIC sa mga magulang na nakaligtaan ang bakuna ng kanilang mga sanggol dahil sa pandemya na pabakunahan na para sila ay maproteksyunan laban sa VPDs.