Nasa kustodiya na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang itinuturing na “state witness” at magiging susi sa paglutas sa kaso ng brutal na pagpaslang sa lady driver na si Robyn “Jang” Lucero, sa girlfriend nito at pamangkin.
Nakuha umano sa bahay nito ang isang mobile phone na ginamit noong araw na dukutin ang babaeng karelasyon ni Lucero na si Meyah Amatorio at pamangkin nito na si Adrian Ramos noong Hulyo sa bahay ng mga biktima sa bayan ng Bay sa Laguna.
Pansamantalang hindi muna pinangalanan ng NBI ang ‘state witness’ dahil sa patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon nila dito.
Matatandaan noong nakaraang Hunyo nang pagsasaksakin si Lucero sa ibat-ibang bahagi ng katawan ng kanyang mga sakay sa loob ng kotse nito sa madilim na bahagi ng Calamba City sa Laguna.
Si Lucero ay suma-sideline sa paghahatid ng pasahero gamit ang kanyang sariling sasakyan.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, nagpanggap lamang ang mga suspek na pasahero ni Lucero upang madukot ang biktima.
Matapos ang pangyayari, buwan naman ng Hulyo ng dukutin sina Ramos at Amatorio na pamangkin ni Lucero.
Ilang araw ang nakalipas ng matagpuang patay na ang dalawang dinukot sa parehong lugar kung saan iniwan ang bangkay ni Lucero.