SRP sa bigas, pinag-aaralang ipatupad ng DA

IKINUKONSIDERA ng Department of Agriculture (DA) ang pagpapatupad ng suggested retail price (SRP) sa mga produktong bigas sa layong manatiling abot-kaya ito sa mga Pilipinong konsyumer.

Ayon kay Arnel de Mesa, tagapagsalita ng DA, nagsasagawa na ng konsultasyon ang kagawaran sa mga industry player at stakeholder para sa pagtatakda ng SRP.

Hindi ka puwede basta mag-issue ng SRP without doing the consultations with all the stakeholders, from the consumer groups, producer groups, ganoon din sa traders and millers, lahat sila ay dapat nakokonsulta sa pagtatakda ng suggested retail price (SRP),” pahayag ni De Mesa.

Ang pahayag ng DA ay kasunod na rin ng ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na paglobo ng rice inflation rate nuong Disyembre dahil sa pagtaas ng halaga ng bigas.

Sinabi ni de Mesa na ang magiging SRP ay naka-depende sa iba’t-ibang aspeto at agad ding maisasapubliko kapag naisapinal na.

Kailangan nating tignan ‘yung composition sa producers group, paano na produce ‘yung palay hanggang sa maging bigas. And then, on the traders side, ano mga gastusin nila sa warehousing, sa milling, sa drying. Sa retailers naman, magkano ‘yung kanilang mga gastusin din po, at maikumpara, at sa ganoong paraan, makikita po ang magiging gains ng [suggested retail] price,” dagdag nito.

Batay sa datos ng PSA ang average national price ng regular milled rice noong Disyembre 2023 ay nasa P48.50 kada kilo mula sa P46.73 noong Nobyembre 2023 at mas mataas sa P39.63 kada kilo nuong Disyembre 2022.

Ang well-milled rice naman ay nasa P53.82 kada kilo noong nakaraang buwan, mas mataas sa P51.99 kada kilo noong Nobyembre 2023.

Nauna na ring ipinahayag ng ilang grupo ng magsasaka ang pangamba na umabot ng P60 o higit pa ang kada kilo ng regular at well-milled rice kung hindi agad matutugunan ang pagsipa ng presyo nito.

Tiwala naman ang DA na malabong umabot pa ng P60 ang kada kilo dahil na rin sa nalalapit na pagdating ng mga inangkat na bigas.

As of now, maganda po yung supply natin. Gaya po ng ating na-report, una pa, in terms of volume of rice na meron po tayo ngayon, we can assure po na we have enough,” pagtitiyak ni De Mesa.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.